Sakit sa Tiyan: Gallstones o Dyspepsia? Alamin ang Pagkakaiba!
- Norberto Estanislao IV
- Jan 6
- 2 min read

Magandang araw mga kababayan! Bilang isang gastroenterologist na may 15 taon nang karanasan, madalas akong makakita ng mga pasyenteng may pananakit ng tiyan. Dalawa sa pinaka-karaniwang sanhi ay gallstones (bato sa apdo) at functional dyspepsia(hyperacidity). Pareho silang nakakapagdulot ng sakit sa itaas na gitnang bahagi ng tiyan (epigastric area) at pareho ding lumalala kapag kumakain. Pero dito nagtatapos ang pagkakatulad.
Madalas, pinagkakamali ang dalawa, kaya mahalagang malaman ang pagkakaiba nila dahil magkaiba rin ang gamutan at pwedeng magkaroon ng seryosong komplikasyon ang gallstones kapag hindi naagapan.
Ano ang pinagkaiba ng sakit ng Gallstones at Functional Dyspepsia?
Gallstones (Bato sa Apdo):
Sobrang Sakit: Mas matindi ang sakit, para kang sinasaksak. Madalas, nagigising pa ang pasyente sa hatinggabi dahil sa sobrang sakit.
Tagal ng Sakit: Tumatagal ng 30 minuto hanggang isang araw ang sakit.
Dalas ng Sakit: Hindi araw-araw. Pwedeng linggo o buwan ang pagitan bago umatake ulit.
Kailangan ng Operasyon: Kapag may sintomas na, kadalasan ay kailangan nang tanggalin ang apdo (gallbladder) para maiwasan ang komplikasyon tulad ng impeksyon, pagbabara ng bile duct o pancreatitis.
Functional Dyspepsia(hyperacidity):
Katamtamang Sakit: Mas mild ang sakit kumpara sa gallstones. Kaya pa ring gawin ang mga pang-araw-araw na gawain kahit sumasakit ang tiyan.
Tagal ng Sakit: Hindi kasing tagal ng gallstone pain, pero madalas at pabalik-balik.
Dalas ng Sakit: Halos araw-araw nakakaramdam ng sakit or discomfort, at tumatagal ito ng hindi bababa sa isang buwan.
Gamutan: Karaniwang ginagamot muna gamit ang mga gamot gaya ng proton pump inhibitors (PPIs). Minsan, kailangan ding magpa-upper GI endoscopy para masiguradong walang ibang problema sa tiyan at para makita kung may Helicobacter pylori infection na puwedeng magdulot ng dyspepsia.
Bakit Mahalagang Malaman ang Pagkakaiba?
Ang gallstones ay pwedeng magdulot ng seryosong komplikasyon kung hindi matatanggal. Ang functional dyspepsia naman, bagama't nakakaabala, ay kayang kontrolin ng gamot at pagbabago sa lifestyle.
Kaya, mga kababayan, kung kayo ay nakakaranas ng pananakit ng tiyan, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa inyong doktor. Ang tamang diagnosis ay susi para sa tamang gamutan!
#Gallstones #BatoSaApdo #FunctionalDyspepsia #Hyperacidity #SakitNgTiyan #Gastroenterologist #FilipinoHealth #Kalusugan #AskYourDoctor #MagpaCheckUp





Comments